Fil-Am logo www.atl-filam.org | Filipino-American Association of Greater Atlanta | Established 1974

Ang nakaraang "Filipino Hoops and Heritage Night"


Willy Blanco
3/7/2010 4:28:00 PM
Ang nakaraang "Filipino Hoops and Heritage Night" sa Philips Arena nuong Biyernes, ika 5 ng Marso, 2010, ay isang patunay na ma-aaring magkaisa ang mga Pinoy dito sa Atlanta, kung kanila lamang mamarapatin. Isang nakagagalak na tawag pansin ay ang walang pag-aatubiling pagtulong ng ilang nakakabatang lider ng komunidad tulad nila Bryan Ramos, Bong Castillo at Jocelyn Peterson. Itong mga ito, bukod sa kusang loob na inalay ang kanilang mga tulong (nang makarating sa kanila ang panawagan), ay sadyang ibinuhos lahat ng kanilang magagawa para sa ikabubuti ng proyekto. Talagang nakakataba ng puso na malaman na mayroon tayong mga kabataang lider na handa ng sumabak para sa ika-uunlad ng kumunidad.

Ganoon din ang aking kagalakan na makita ang mga nakakabatang mga magulang na Pilipino na tangay ang kanilang mga anak sa Philips Arena para iparangal ang kanilang lahi at kultura. Gusto kong iparating sa mga taong tumulong at dumalo, ang taos pusong pasasalamat ng pamunuan ng proyekto. Ito na rin ang gustong iparating ni Raymond Townsend sa lahat ng kina-uukulan.

Ngunit, subalit, datapwa't, pero, bakit sadyang ganito ang kuwento ng mga Pilipino. Kung sino pa ang iyong ina-asahan na tumulong, ay bukod na nga sa hindi tumulong at dumalo, ay siya pang pangunahin na pinu-pupulaan ang mga pangyayari hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon. Ito nga ba ang patunay sa tinatawag nating "Crab mentality" na sadyang humihila sa ating pababa para hindi magtagumpay ang proyekto dahil sa hindi nasunod ang kanyang kagustuhan o kaya'y mungkahi?

Hindi ba na mas mabuti na lang na manahimik at pabayaan na lang ang mga pangyayari dahil sa hindi naman talaga tayong ma-aaring magkasundo sa lahat ng bagay?

Hindi ba totoo na kung ikaw ay isang tunay na lider ng kumunidad (ika nga) na kahit na hindi nasunod ang iyong kagustuhan, dahil nga para sa pang-kalahatang kabutihan ng kumunidad, na mas mabuting tumulong na nga rin kaysa ibuhos mo ang iyong lakas sa paninira? Ang sabi nga ay, mas kakaunting "muscle" ang iyong kailangan para ngumiti kaysa sa sumimangot.

Hindi natin dapat pabayaan na mamayani ang ganitong mga ka-ugalian kung tunay na gusto natin na umunlad. Lumalabas na mas may matutunan tayo sa ating mga mas nakakabatang lider at mamamayan para itaguyod ang isang bagong kumunidad ng mga Pilipino dito sa Atlanta na ma-aari nating ipag-malaki sa lahat, ang Atlanta Pinoy! Sang-ayon ba kayo?

Pinoy ako, Atlanta Pinoy!

Willy Blanco
Next Immediate Past President ' '>

Filipino-American Association of Greater Atlanta. Serving the Filipino-American community since 1974. www.atl-filam.org